Liberal Party walang malasakit sa mga kasapi, paglilinaw ng isang politician sa kanyang Facebook account - News Spy


Liberal Party walang malasakit sa mga kasapi, paglilinaw ng isang politician sa kanyang Facebook account



Atty. Glenn Chong and The Liberal Party, photo compiled from Google
Isang paglilinaw sa isyu ng partido ang ipinahayag ng isang politician na si Atty. Glenn Chong sa kanyang Facebook account. Isinaad niya dito na dati siyang kasapi ng Liberal Party noong 2007.

Ayon sa post ni Atty. Chong, “Hindi ko itinatanggi na dating kasapi ako ng Liberal Party. Noong 2007, nang tumakbo ako bilang congressman, wala ng natirang partido maliban na lamang sa LP dahil kinuha na ng pamilya ng aming kalaban ang lahat ng malalaking partido.”



Idinagdag din ni Atty. Chong na ang partidong LP ay inakala niyang may malasakit ngunit siya’y nabigo, “Sa aking buong akala, may malasakit ang partidong ito sa mga kasapi pero wala pala. Nang in-ambush ang aking ama noong June 7, 2008 ng mga kasapi ng kapulisan at namatay ang dalawa kong tauhan, wala man lang akong natanggap na tulong mula sa partidong ito upang makamit ang hustisya maliban na lamang sa isang press release tungkol sa ambush.”

At dahil sa mga karanasan nito sa partidong LP, umalis siya dito nang maging opisyal na kandidato ng partido si Mr. Aquino noong 2009.

Basahin ang kabuuang post ni Atty. Glen Chong sa kanyang Facebook account: 

PAGLILINAW SA ISYU NG PARTIDO



Hindi ko itinatanggi na dating kasapi ako ng Liberal Party. Noong 2007, nang tumakbo ako bilang congressman, wala ng natirang partido maliban na lamang sa LP dahil kinuha na ng pamilya ng aming kalaban ang lahat ng malalaking partido. Bawat isa sa kanila ay kasapi ng iba’t-ibang partido. Ito ay isang epektibong stratehiya upang makapandaya dahil kung walang partido ang kalabang kandidato, wala rin siyang opisyal na kopya ng resulta ng halalan. Kung lahat ng opisyal na kopya ng resulta ay hawak nila, madaling burahin at palitan ang mga boto at tiyak ang kanilang panalo. Kaya wala akong choice kundi sumanib sa natirang partido.

Sa aking buong akala, may malasakit ang partidong ito sa mga kasapi pero wala pala. Nang in-ambush ang aking ama noong June 7, 2008 ng mga kasapi ng kapulisan at namatay ang dalawa kong tauhan, wala man lang akong natanggap na tulong mula sa partidong ito upang makamit ang hustisya maliban na lamang sa isang press release tungkol sa ambush. Bata pa lang ako noon at umasa talaga sa kanila upang tulungan ako pero sa bandang huli, sinolo ko lahat ng trabaho upang makamit ang hustisya.

Nang mag-deliver ako ng aking privilege speech sa Kamara upang ipaalam ang nangyari sa aking ama at mga tauhan, pilit na pinatitigil ako ng presiding officer na kaibigan ng aking kalaban. Ilang beses niya aking pinutol sa gitna ng pagsasalita. Walang LP congressman ang sumaklolo sa akin. Dalawang Lakas-NUCD congressmen, isa mula sa Quezon City at isa naman mula sa Masbate, ang tanging sumaklolo sa akin at nakipagtalo sa presiding officer na patapusin ako. Ilang beses nila itong ginawa upang masigurong matapos ako sa aking talumpati.



Mula noon, nagbalak na akong umalis sa partido. Nang maging opisyal na kandidato ng partido si Mr. Aquino noong 2009, umalis na ako sa kanila at sumanib sa Lakas-NUCD. Wala akong tiwala sa kakayahan ni Mr. Aquino na mangulo ng ating bansa. Nakita ko sa work ethic ni Mr. Aquino na walang pag-asa ang ating bansa sa kanya. Ako lang ang tanging kasapi ng LP na umalis sa partido sa panahon na ang ibang mga politiko ay sumasanib na sa kanila dahil mananalo na raw si Mr. Aquino.

Si Gibo Teodoro ang sinuportahan ko noong 2010 dahil naniwala ako sa kanyang kakayahan. At sa kasagsagan ng kampanya, nakipagkita sa akin si Jesse Robredo upang hikayating bumalik sa partido at suportahan sila Aquino at Roxas. Tinanggihan ko siya.

Nang ako ay magprotesta laban sa aking kalaban matapos ang 2010 elections, rumesbak na ang LP sa akin. Ayon sa aking informant, ang partidong ito ang nagsigurong matalo ako sa aking protesta. Isang Deputy Speaker mula sa LP ang nangulo sa pagpressure sa mga congressmen na bumoto laban sa akin. At noong 2016, nagkita kami ng kapatid ng isa sa mga congressmen na ito. Humingi siya ng paumanhin para sa kanyang kapatid. Ako raw dapat ang nanalo sa protesta pero pinilit daw talaga sila ng LP na talunin ako.



Dahil pinanalo ng LP ang aking kalaban, sumanib na rin siya sa LP. At noong 2016 elections, siningil siya ng LP ng kanyang malaking pagkakautang. Kaya umikot siya sa buong Biliran dala-dala ang projector at ipinakita ang video clip ni Pangulong Duterte na nagkomento sa ni-rape na Australian missionary. Siniraan niya ng husto si Pangulong Duterte sa harap ng publiko upang maipanalo niya si Mar Roxas at makapagbayad sa kanyang malaking pagkakautang.

Ang entry sa Wikipedia tungkol sa akin ay matagal nang isinulat at hindi updated. Hindi ko ito ma-update dahil hindi ako ang sumulat nito. At kahit pwede, hindi ko pa rin babaguhin o buburahin ang tungkol sa LP upang itago ito dahil kung gagawin ko ito, wala ng pinagkaiba ang gagawin ko sa ginawa ng Smartmatic sa pagkalikot ng Transparency Server noong 2016 upang pagtakpan ang isang bagay na gusto nilang itago sa publiko.

Alam kong gagawing isyu at pagpipiyestahan ito ng mga kalaban pero hindi ko pa rin buburahin o babaguhin dahil kung gagawin ko ito, hindi na ako honest sa aking sarili at sa harap ng publiko. Ang taong hindi mapagkatiwalaan sa maliit na bagay, mas lalong hindi mapagkatiwalaan sa mas malaking bagay.

Ang magagawa ko lang sa ngayon ay ipaabot sa inyo ang istorya sa likod ng entry na ito ng Wikipedia. Ito yun!

Source: Atty. Glenn Chong